WebClick Tracer

BARMM governors isinulong Rule of Law, Peace and Order sa unang pulong ng Council of Leaders

Isinulong ng BARMM Governors Caucus (BGC), na binubuo ng limang halal na gobernador sa BARMM, ang kanilang common agenda para sa Rule of Law, Peace and Order at Inclusive Governance and Development sa unang pulong ng Council of Leaders noong Agosto 9 sa Davao City.

Ang Council of Leaders ay isang advisory body para sa pamamahala ng rehiyon.

Ang mga karaniwang isyu ng mga gobernador na nakapaloob sa Joint Position Paper na iprinisenta ni BGC Spokesman Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr., ay pinag-usapan at positibong tinugon sa pulong ng Council of Leaders.

Ilan sa mga isyung ito ay ang peace and order hanggang sa Barangay at SK elections sa Oktubre 2023, at pagsasaayos ng regional and provincial planning para sa mas malaking impact ng mga development project at program sa mga LGU, higit na koordinasyon sa pagitan ng mga regional ministry at ang mga pamahalaang panlalawigan sa pagpapatupad ng mga development project sa mga LGU, at malinaw, may pananagutan at mahusay na pagpapatupad ng mga proyektong pangkaunlaran.

Binigyang-diin ni BGC Spokesman at Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr., ang agarang pangangailangang tugunan ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

“Ang buong BARMM ay naghahanda na sa Barangay at SK election hanggang sa ating mga bayan naghahanda na. Ang pinakaimportante dito ay hindi magkaroon ng kaguluhan sa bawat barangay ng BARMM. Kaya nga ang BGC ay isinusulong itong proseso ng decommissioning sa ground,” saad ni Adiong.

Sa Council of Leaders meeting, kinilala ni Council Chairman at Chief Minister Ahod Ibrahim Murad ang ilang pagkukulang sa loob ng regional government sa pagsasaayos ng mga plano sa pagpapaunlad:

“Iyan ang kabiguan ng Bangsamoro Economic and Development Council (BEDC)”.

Sinuportahan ng Konseho ang panawagan na ipatawag ang Regional Peace and Order Council at ang BEDC upang tugunan ang mga isyu sa seguridad at pag-unlad na binanggit ng BGC.

Sa isang panayam, nagpasalamat si Maguindanao del Sur Governor Bai Mariam Mangudadatu sa mga pinuno ng rehiyon sa pagpapahalaga sa mga isyung inihain ng mga gobernador.

Ipinahayag niya ang pangako ng mga gobernador na ipagpatuloy ang kanilang magkasanib na adbokasiya tungo sa isang mapayapa at progresibong BARMM.

“Pagkatapos ng BGC, ‘yung iba bumaba na sa ground, especially ang Sulu nasa ground na sila para ipaalam sa lahat ng mga constituents ng bawat probinsya kung ano itong isinusulong ng BGC para maintindihan ng mga kababayan natin,” lahad ni Adiong sa radio station Brigada News FM General Santos City.

Ang BGC ay pormal na nilikha noong Hunyo ng taong ito bilang isang plataporma kung saan ang mga karaniwang alalahanin ng mga LGU ay ipinapaalam sa publiko, sa rehiyon at pambansang pamahalaan.

“Walang resistance. Wala namang pinsala sa mga isinusulong ng BGC. Lahat ito ay para sa ating mamamayan,” dagdag ni Adiong.

Pinagtibay ng Council of Leaders ang rekomendasyon ng BGC para sa Konseho na magpulong kada quarter sa loob ng isang taon.

See Related Story Here:

BARMM sa DND, DILG: MILF decommissioning talakayin sa Cabinet meeting

TELETABLOID

Follow Abante News on