WebClick Tracer

US company mamumuhunan ng $1B sa kanilang expansion sa ‘Pinas

Palalawigin ng kumpanyang Texas Instruments Inc. ang kanilang pamumuhunan sa bansa sa pamamagitan ng isang bilyong dolyar na expansion sa kanilang mga pasilidad sa Clark at Baguio City.

Ito ang inanunsyo ng mga opisyal ng US-ASEAN Business Council kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanilang pakikipagpulong sa Malacañang nitong Miyerkoles.

Ang Texas Instrument ay manufacturer ng microprocessors na mayroong pasilidad sa Clark at Baguio City.

Nakatakdang isumite ng Texas Instruments sa loob ng dalawang linggo ang kanilang aplikasyon para sa kanilang expansion na aabot sa isang bilyong dolyar .

Ayon sa US officials, aasahan ang malaking oportunidad sa gagawing pamumuhunan na magpapataas sa kapasidad sa rehiyon lalo na at nagkakaroon ng shortage sa chips sa global economy.

Ikinatuwa naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang plano ng Texas Instruments dahil ito aniya ang isa sa mga sektor ng ekonomiya na nais niya para sa bansa.

“These are the areas and sectors in the economy that we would like to be involved in,” saad ng Pangulo.

Malaking potensyal aniya ito sa panig ng Pilipinas dahil malaki ang workforce ng bansa na sanay na sa mga dayuhang kumpanya.

Ang US-ASEAN Business Council ay mayroong 170 na miyembro ng mga kumpanya na lumilikha ng $7 trillion na kita at nag-eempleyo ng mahigit 14.5 million katao at tanging American organization na kinikilala ng ASEAN Charter. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

Pinoy resto nagbukas sa Texas, US

TELETABLOID

Follow Abante News on