WebClick Tracer

Provincial admin ng Cagayan ikinulong sa Kamara

Ipinakulong ng mga kongresista ang provincial administrator ng Cagayan na itinuturong dahilan kung bakit hindi nakadalo sa pagdinig ng mga komite ng Kamara de Representantes ang mga opisyal ng probinsya na ipinatawag nito.

Sa joint hearing ng House Committees on Public Accounts at on Suffrage and Electoral Reforms, inaprubahan ang mosyon na i-cite in contempt si Cagayan Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Villaflor.

Sa pagdinig, sinabi ni Villaflor na si Cagayan Gov. Manuel Mambas ang mayroong kapangyarihan na magbigay ng travel authority sa mga opisyal na lalabas ng probinsya. Si Villaflor ay pamangkin ni Mamba.

Hindi binili ng mga miyembro ng komite ang paliwanag ng mga opisyal ng probinsya na sina Vita Vergara, Catalino Arugay, Maritel Bautista, Kristine Reyes, Ma. Anita Obispo, Amelia Manalo, Rosario Mandac, Heracleo Dumapal, Roselle Buncad, Daisy Baguisi, at Atty. Rogelio Taliping na hindi sila makaalis ng Cagayan dahil kailangan sila sa pamimigay ng ayuda para sa mga nasalanta ng bagyo.

Sa pagtatanong ng mga mambabatas ay lumabas umano na hindi sila pumunta sa pagdinig dahil hindi inaprubahan ang kanilang travel authority na idinaan sa opisina ng Provincial Administrator.

“Considering that the explanation of the show cause order Mr. Chair points to only one direction, and that is the prevention or non giving of the travel order to all subpoenaed resource persons I’m constrained now Mr. Chair to move and cite in contempt the provincial administrator of the province of Cagayan,” sabi ni Cagayan Rep. Joseph Lara.

Ang mosyon ay inaprubahan ng dalawang komite matapos na walang tumutol dito.

Si Villaflor ay ikukulong sa Kamara de Representantes ng hanggang 10 araw.

“Under Section F of our Rules in contempt undue interference the penalty will be a maximum of 10 days to be detained in this August hall,” sabi ni ABANG LINGKOD party-list Rep. Joseph Stephen Paduano, chairperson ng Public Accounts panel.

Inaprubahan din ng mga komite ang mosyon na i-cite in contempt si Rogelio Sending ng Bombo Radyo Tuguegarao dahil sa pagkabigo nito na dumalo sa pagdinig.

Iniimbestigahan ng mga komite ang iligal umanong pamimigay ng pondo ng probinsya ng Cagayan ilang araw bago ang eleksyon noong 2022. (Billy Begas)

See Related Story Here:

Panukalang P5.768T budget para sa 2024 hihimayin ng Kamara

TELETABLOID

Follow Abante News on