WebClick Tracer

DBM: Taas sahod ng mga gov’t worker may nakatabi nang pondo

sahod

Mayroon umanong itinabing pondo sa ilalim ng panukalang 2024 national budget para sa pagtataas ng sahod ng mga empleyado ng gobyerno.

Sa unang araw ng deliberasyon ng panukalang budget para sa 2024, nagtanong si ACT Teachers Rep. France Castro kung mayroon bang aasahang pagtataas sa sahod ang mga empleyado ng gobyerno.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman sa ilalim ng 2023 national budget ay mayroong nakalaang P48 milyon para sa Governance Commission for GOCCs (GCG) na gagamitin para sa pag-aaral kaugnay ng pagtataas ng sahod at position classification system sa gobyerno.

“As of now they are undergoing procurement and they said they will be able to provide the results of the study by October,” sabi ni Pangandaman. “We think assuming there’s a recommendation of an increase of salary I think kaya pa naman po before we pass the budget.”

“Nangangamba akong kakayanin kasi dapat makikita natin yan na allocation sa ating budget. So wala akong nakikitang ganyan,” sabi naman ni Castro.

Ayon kay Pangandaman sa ilalim ng 2024 budget ay mayroong nakatabing P16.95 bilyon na magagamit para sa posibleng pagtataas ng sahod kung ito ang irerekomenda ng pag-aaral na gagawin.

Sinabi ng kalihim na mayroon ding P20 bilyong pondo para sa performance based bonus ng mga kawani ng gobyerno. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on