WebClick Tracer

Sapat na suplay ng sibuyas pinatitiyak

Pinatitiyak ng mga kongresista na mayroong sapat na suplay ng sibuyas sa nalalabing bahagi ng taon upang hindi na maulit ang pag-akyat ng presyo nito sa P700 kada kilo na naranasan noong nakaraang taon.

Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food ngayong Miyerkoles, iginiit ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. sa mga opisyal ng DA na mayroong sapat na suplay upang hindi tumaas ang presyo.

Ayon kay Bureau of Plant Industry (BPI) Director Glenn Panganiban ngayong buwan ang presyo ng kilo ng puting sibuyas ay nasa P140 hanggang P160 samantalang sa pulang sibuyas ay P140 hanggang P170.

Pero ng tanungin ni Barzaga kung magkano ang inaasahang presyo sa buwan ng Setyembre at Oktubre, hindi matiyak ni Panganiban kung magkano ito.

“Kayo ang nagde-determine ng quantity, kayo ang nagde-determine ng supply, kayo ang nagde-determine ng needs pagkatapos you cannot give us the prices,” punto ni Barzaga. “Ibig nyong sabihin nagi-import lang kayo, nage-estimate kayo without knowing what will be the price?”

Sagot ni Panganiban, “sir we are expecting na sustained po yung price.”

“Pano kung tumaas ng 100% or 50% you will be all resigning?” tanong ni Barzaga. “Ang trabaho nyo anticipated.”

Sinabi ni Panganiban na ang kasalukuyang suplay ng pulang sibuyas ay tatagal ng 162 araw o hanggang Disyembre 23.

“So if the supply is more than the demand (for December), we can expect that there will be the same prices?” tanong ni Barzaga na nakakuha ng positibong tugon kay Panganiban.

“We want to see to it that there will be sufficient supply as compared to the demand, and therefore the price would be more or less the same,” giit ni Barzaga.

Sinabi ni Panganiban na inaasahan na hindi magbabago ang presyo.

“If these prices will not happen in reality, and they will be more, what sanctions do you think can be imposed against you and the other officials of BPI?” sunod na tanong ni Barzaga. “Kasi history na ito eh. Ayaw namin ng history repeats itself. Ano sanction, pagre-resign-in ko kayo? What happened last year should not happen this year.”

Sagot naman ni Panganiban, “Yes sir, we ensure that sir.”

Iniimbestigahan ng komite ang pag-abot ng presyo ng sibuyas sa P700 kada kilo noong nakaraang taon. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on