WebClick Tracer

PBBM nahihiya sa maliit na suporta sa mga atletang Pinoy

Aminado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maliit ang pondong inilalaan ng gobyerno para sa mga atleta sa kabila ng ibinibigay na karangalan ng mga ito sa Pilipinas.

Inihayag ito ng Pangulo sa isang aktibidad sa Malacanang kung saan ginawaran ng insentibo ang mga atletang nag-uwi ng mga medalya sa 32nd Southeast Asian (SEA) Games at sa 12th ASEAN Paralympics Games nitong Miyerkoles.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na batid niyang hindi sapat ang ibinibigay na suporta ng gobyerno sa mga ito kayat ito ang isa sa mga pagtutuunan ng pansin ng kanyang administrasyon.

“So it seems that what we in government, considering the honor and the pride that you bring to the Philippines, it seems that it is not commensurate for the great service that you do to our country and to our people,” anang Pangulo.

Sinabi ng Presidente na nahihiya ito ng konti kapag nakikitang limitado ang natatanggap na suporta mula sa gobyernong mga atleta, coaches at trainers pati ang mga pamilya ng mga ito kaya gagawa ang kanyang administrasyon ng mga plano para masuportahan ang Philippine team pati na ang mga coaches, trainers, nutritionists pati na ang mga driver na nagsisilbi sa palakasan.

“With admittedly limited resources, we are always — I am always a little embarrassed when I see that we are not supporting our athletes and our coaches and all the support groups even the families,” dagdag ng Pangulo.

Siniguro ng Presidente sa mga atleta na sa kanyang administrasyon ay gagawin ang lahat para masuportahan ang mga atleta upang masuklian ang mga ipinakitang sakripisyo at pagmamahal sa Pilipinas.

Sa ginanap na aktibidad ay ibinigay ng Pangulo ang insentibo sa mga atletang nanalo sa SEA Games kung saan tumanggap ng P300,000 ang mga nakakuha ng medalyang ginto; P150,000 para sa silver medal; at P60,000 para sa bronze medal.

Para naman sa nanalo sa ASEAN Para Games, P150,000 ang insentibo ng gold medalist; P75,000 para sa silver; at P30,000 para sa bronze medalist.

Ang pagbibigay ng insentibo sa mga nanalong atleta ay nakapaloob sa Republic Act no. 10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on