WebClick Tracer

MMDA sinuspinde roadworks, mall sales para sa FIBA World Cup

Pansamantalang sinuspinde ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mahigit tatlong linggo ang roadworks tulad ng paghuhukay at paglalagay ng tubo, at mga mall sale sa ilang lugar sa Metro Manila para sa FIBA World Cup 2023.

Magsisimula ito ng hatinggabi ng Agosto 17 (Huwebes) hanggang hatinggabi ng Setyembre 10 (Linggo) sa EDSA Monumento hanggang SM MOA; Kalayaan Avenue, C5 Road hanggang EDSA; Diokno Boulevard; P. Ocampo St., Taft Avenue hanggang Roxas Boulevard; Roxas Boulevard, NIA Road hanggang UN Avenue.

Gayundin sa kahabaan ng Meralco Avenue; Ortigas Avenue, EDSA hanggang C5 Road; EDSA North Avenue hanggang Agham Road.

Ipagbabawal din ang pagsasagawa ng mga mall sale sa kahabaan ng EDSA at iba pang lugar na apektado ng FIBA World Cup 2023.

Ito’y upang matiyak na ang lahat ng apektadong kalsada ay mananatiling madaanan, malinis, ligtas at magagamit sa lahat ng uri ng sasakyan at pedestrian.

Co-host ang Pilipinas ng naturang international basketball competition kasama ang Japan at Indonesia ngayong taon.

Didribol ito mula Agosto 25 hanggang Setyembre 10.

Ang mga laro nito sa Pilipinas ay gaganapin sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan; Smart Araneta Coliseum sa Quezon City, at Mall of Asia Arena sa Pasay City. (IS)

TELETABLOID

Follow Abante News on