WebClick Tracer

Luis Manzano absuwelto sa gas station investment scam

Pinawalang-sala ng National Bureau of Investigation (NBI) si Luis Manzano kaugnay sa investment scam laban sa mga opisyal ng Flex Fuel Petroleum Corporation.

Sinampahan na ng NBI ng kasong syndicated estafa sa Taguig Prosecutor’s Office ang presidente ng kompanyang si Ildefonso Medel Jr., at 11 pang opisyal nito, ayon sa ulat sa TV Patrol nitong Miyerkules, August 9.

Lumabas umano sa pag-iimbestiga ng NBI na humingi ng perang investment ang kompanya sa mga biktima sa pangakong gagawin silang kasosyo sa mga gasoline station ngunit hindi ito natupad.

Hindi kasama sa kinasuhan ang TV host-actor kahit isa ito sa mga incorporator ng kompanya dahil nag-resign na ito at hindi na konektado sa Flex Fuel noong 2021, kung kailan nag-invest ng pera ang ilan sa mga nagreklamong biktima.

Samantala, nagpapatuloy umano ang imbestigasyon ng NBI sa reklamo ni Manzano laban sa Flex Fuel matapos umano siyang mawalan ng P66 milyong investment.

Sa isang pahayag naman ay nagpasalamat ang tagapagsalita ni Manzano na si Atty. Regidor Caringal sa NBI.

Umaasa si Manzano sa mabilis na pagresolba sa kaso at nangakong tutulong sa imbestigasyon upang mabawi ang kanyang investment at ng iba pang biktima.

Habang sinusulat ito ay wala pang pahayag ang Flex Fuel kaugnay nito. (IS)

TELETABLOID

Follow Abante News on