WebClick Tracer

PBBM magbibitiw bilang DA Secretary kapag napabayaan ang mga magsasaka

Itataya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang pagiging Department of Agriculture Secretary kapag napabayaan ang mga magsasaka na maapektuhan ng mga ilalargang proyekto para malutas ang mga matinding pagbaha sa Central Luzon.

Sa harap ito ng pagtutol kaagad ng ilang mga lokal na opisyal sa Pampanga sa planong gawing water impounding ang ilang bahagi ng Candaba swamp upang hindi pumunta sa mga kabahayan ang tubig na dala ng matinding pag-ulan o bagyo.

Sinabi ng Pangulo na bago gawin ang proyekto ay hahanapan ng ibang mapagkakitaan ang mga maapektuhang magsasaka upang makapagpatuloy sa hanapbuhay.

Kapag hindi aniya natupad ito ay magbibitiw siya bilang kalihim ng Department of Agriculture.

“Sasabihin natin ilalagay natin sa swamp. Paano yung mga nagtatanim doon. Oh di maghahanap tayo. We will find something else for them to do. We’ll find another piece of land hindi naman natin sila pababayaan. Pag nangyari yun magreresign na ako ng DA dahil mali na, hindi na tama yun.” saad ng Pangulo.

Binigyang-diin ng Presidente sa mga lokal na opisyal ng Pampanga na hinahanapan ng gobyerno ng solusyon ang matinding pagbaha sa lalawigan at isa sa nakikitang solusyon ay ang paggamit ng water impounding upang mabawasan ang matinding pagbaha.

Wala aniyang intensyon ang gobyerno na sirain ang hanapbuhay ng mga magsasakasa Candaba bagkus ay gumagawa ng paraan ang pamahalaan upang malutas ang problema sa matinding pagbaha sa Central Luzon.

“Pinga-uusapan lang natin yung technical solutions doon sa baha. Tama ka like a good LGU executive, inaala mo yung hanapbuhay ng mga maaapektuhan ng proyekto. Ang pagkakamali, sa unang proposal hindi nagbigay ng kapalit. Tayo naman kung gagawin,may kapalit. Wala tayong interes na sirain ang hanapbuhay ng anim na libong farmers. What we are trying to do right now is to assess the technical aspects of the floodings. Ano ba ang nangyari,” dagdag ng Pangulo.

Tinabla ng Pangulo ang mungkahi ng mga alkalde na magsagawa ng dredging sa mga mababaw na ilog dahil band-aid solution lamang ito at tatagal lamang ng ilang buwan bukod pa sa magastos ito para sa gobyerno.

“Don’t tell me aayusin na naman natin yung dike para masira ulit for the next one. Kailangan na may bagong plano, we need a new design. Puro flood control, dike, culvert, shoulder. They are all temporary and exceedingly expensive, we cannot continue to do this as a solution na every season magde-dredge tayo, malulugi ang buong gobyerno kung yan lang ang gagawin natin,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

BBM kay Galido: Gawing world-class ang Army

TELETABLOID

Follow Abante News on