WebClick Tracer

Nawawalang preso sa Bilibid, tumakas – BuCor chief

Naniniwala si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. na tumakas ang person deprived of liberty (PDL) na nawawala mula sa New Bilibid Prison (NBP) noong Hulyo.

Sa pagdinig ng Senate committee on justice and human rights, sinabi ni Catapang na nararamdamang talagang nakatakas si Michael Cataroja mula sa maximum security compound ng NBP.

“Maliit po ito na tao at kayang ilagay na sa sakong maliit na akala ay nabasura na po siya. Puwede pong mangyari po ‘yun kasi maliit na tao po ito,” pahayag ni Catapang sa komite.

Ikinaalarma naman ito ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, dating namuno sa BuCor.

“Nu’ng panahon ko pati tangke ng truck na nagde-deliver ng basura, pinapatusok-tusok ko pa ‘yan para sigurado tayo. Meaning, there’s a degree of laxity on the inspection of trucks delivering in and out,” ayon kay Dela Rosa.

Katuwiran naman ni Catapang, ang NBP superintendent ang dapat in-charge sa nasabing mga problema napupunta umano sa kanya ang lahat ng sisi.

Subalit giit ni Dela Rosa kay Catapang, “Dapat incumbent on your part, hinanapan mo ng magaling na NBP superintendent na masiguro natin ‘yung ganyan. Kasi maximum ito, maximum.”

Samantala, hindi naman naniniwala si Senador Robin Padilla sa pahayag ng mga mayores ng Building 5 na wala silang alam sa biglaang pagkawala ni Cataroja.

“Commander, galing akong Bilibid a. Paano naman hindi alam ni mayor na missing? Hindi niya alam? Kelan niya nalaman, nu’ng bilangan?” sabi ni Padilla na nakulong din sa NBP.

Sinabi ni Sputnik Gang Leader Boboy Morales na present pa si Cataroja noong magbilang s aumaga at hapon noong Hulyo 15 at idineklara lang itong nawawala mga alas-sais ng gabi ng araw ding iyon. (Dindo Matining)

See Related Story Here:

Operations manual ng BuCor pinarerepaso para mabawasan pribilehiyo ng mayayamang preso

TELETABLOID

Follow Abante News on