WebClick Tracer

Kapitan ng bangka nagpadulas ng saging, P50 sa PCG

Inamin ng kapitan ng M/B Aya Express na nagpadulas siya ng saging at P50 cash sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) para balewalain ang kanyang mga paglabag kasunod ng paglubog ng MB Princess Aya sa Binangonan na nagresulta sa pagkasawi ng 27 pasahero.

Sa pagdinig ng Senate Committees of Public Services and National Defense and Security, tinanong ni Senador Raffy Tulfo si Donald Añain, kapitan ng bangka, kung may sinuhulan siya sa PCG bago siya umalis sa pantalan.

“Magkano ang binigay mo sa Coast Guard na pampadulas noong pumunta ka doon at pinirmahan na lang yung papel na nakapikit?” tanong ni Tulfo.

“‘Yun ano lang, ‘pampangiti’… Kailangan po magdadala ka po ng kahit alin po…Bumili lang po ako ng P100 na saging… Tsaka yung P50 na money, meryenda,” dagdag pa niya.

Subalit nilinaw nitong ginawa niya ang padulas sa mga nagdaang nanunungkulan at hindi isa nangyaring trahedya sa Binangonan.

“Hindi po ito sa insidente na ito, sa mga naunang nanungkulan. Wala po akong ibinigay na alak, saging lang po,” paliwanag ni Añain.

Dagdag pa niya, pangkaraniwan na umano sa isla na magbigay ng kung ano-ano sa mga kawani ng PCG tulad ng tinapay, sigarilyo at alak. (Dindo Matining)

See Related Story Here:

1 todas sa paglubog ng bangka sa Romblon

TELETABLOID

Follow Abante News on