WebClick Tracer

Ion pinagtanggol ni Cristy sa ‘palamunin’ ni Rendon: ‘Kung hindi nag-artista, baka PBA player na’

Ipinagtanggol ni Cristy Fermin si Ion Perez sa pagtawag dito ni Rendon Labador na “palamunin”.

Sa “Cristy Ferminute” ibinida ng columnist-vlogger ang pagiging magaling na basketball player ni Ion.

Aniya, kung hindi lang daw naging TV host si Ion ay malamang na sikat na itong PBA player.

Ayon daw sa kaibigan ni Cristy na taga-Concepcion, Tarlac, paborito raw na kuning import si Ion sa mga basketball game.

“Kapag sinabi mo na ang isang tao na palamunin, parang wala na siyang nagawang maganda sa kanyang buhay. Para bang hindi niya malalamnan ng pagkain ang kanyang bituka kung hindi siya aasa sa iba.

“Alam mo isa lang ang sinabi nila, ‘Alam ba nila na napakagaling mag-basketball nitong si Ion Perez. Number 1 player siya sa amin sa Tarlac.’ Ito pala para lamang makatulong sa mga magulang at sa mga kapatid, nagpapa-importa. Kunyari may laro sa Macabebe, may laro sa Nueva Ecija, may laro sa Cabanatuan, kinukuha pala siyang import at binabayaran lang ng maliit na halaga.

“Sabi ng kaibigan ko, ‘At kung maglaro, akala mo pang-PBA.’ Napakagaling niyang player. Kung hindi nga raw nag-artista at sumali sa mga ano si Ion ay naku, baka PBA player na. Magaling, magaling daw!” lahad ni Cristy.

“‘Yun ba sasabihin mong palamon, bata pa ginagawan na ng paraan ang lahat. Lahat-lahat ng bagay sa mundo para lang makatulong sa kanyang pamilya,” dagdag pa niya. (IS)

TELETABLOID

Follow Abante News on