WebClick Tracer

Infra development ng Marcos administration lilikha ng 3M trabaho – DPWH

Mahigit tatlong milyong manggagawa ang kakailanganin ng gobyerno para simulan ang mga prayoridad na infrastructure projects ng gobyerno sa susunod na taon.

Ito ang inihayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa press briefing sa Malacanang nitong Martes.

Ayon kay Bonoan, sinisimulan na ngayong 2023 ang tinatayang 70,000 malalaki at maliliit na kontrata sa buong bansa kaya maraming manggagawa ang kakailanganin.

Mga skilled workers aniya at mga bihasa sa teknikal na trabaho ang kakailanganin sa mga ilalargang proyekto na nagbibigay ng dagdag na trabaho sa mga Pilipino.

“Now we re generating, I think, siguro ang requirement namin dito na threshold na program namin is almost about more than three million labor force that will be comprising of skilled and unskilled people on the year-to-year basis,” ani Bonoan.

Umpisa pa lamang aniya ito ng malaking infrastructure development program sa Pilipinas at malaking oportunidad ito para sa sektor ng paggawa.

Nitong Martes ay nagpatawag ng sectoral meeting si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacanang kung saan tinalakay ang mga oportunidad sa trabaho sa sektor ng imprastraktura alinsunod sa nakapaloob sa Philippine Labor and Employment Plan 2023-2028 ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Karamihan sa mga ilalargang infrastructure projects ay nasa ilalim ng Build Better More project ng DPWH. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on