WebClick Tracer

DTI: 43 produkto hinihirit na itaas presyo

Humihirit ang 13 manufacturer para magtaas ng presyo ng kanilang produkto.

Ito ang kinumpirma sa Laging Handa public briefing ni Department of Trade and Industry Undersecretary Atty. Ruth Castelo sa harap ng halos sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay Castelo, batay sa kanilang listahan ay mayroong 43 produkto na hinihiling ng mga manufacturer na magtaas ng presyo dahil tumaas umano ang halaga ng raw materials na ginagamit ng mga ito.

Kabilang sa mga hiniling na taasan ng presyo ay ang sardinas, condensed at evaporated na gatas, powdered milk, kape, kasama na rin ang instant noodles , bottled water, karne norte at sabon.

Sinabi ni Castelo na ang hinihinging increase ay mula sampung sentimo hanggang pitong piso o kaya ay P1.50 hanggang P975 sa non-food items.

“Sa listahan ng DTI, mayroon pong 43 SKUs na nag-propose ng adjustment.Ang kino-consider na dahilan ng manufacturers sa pag-increase ng presyo ay iyong cost ng raw materials na kapag minsan ay imported,” ani Castelo.

Sinabi ng opisyal na bine-verify nila ang mga ibinigay na dahilan ng mga manufacturers bago gumawa ng desisyon para matukoy kung may basehan ang kanilang mga rason.

“Hindi po namin basta tinatanggap yung binibigay sa atin na information ng manufacturers. Mayroon po tayong sariling mekanismo para ma-verify natin iyan pati po iyong pag-increase ng packaging materials at iyong transportation cost at acquisition cost,” dagdag ni Castelo.

Sa kabuuan ani Castelo ay nasa 10 centavos hanggang P7.27 pesos ang range ng hirit para sa pagtaas ng presyo sa ilang podukto (1%-5%); habang an P150-975 sa non-food ay nasa six to 10% ang increase range. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on