WebClick Tracer

75,000 mga trabaho mula sa mga foreign trip ni PBBM, nakaabang na para sa mga Pinoy

Tinatayang nasa 75,000 na mga trabaho ang nakaabang para sa mga Pilipino bilang resulta sa 13 biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ibang mga bansa.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma na umaabot sa 75,000 potensyal na mga trabaho ang naghihintay sa mga Pilipino.

Sinabi ng kalihim na nagbubunga na ang mga ginawang pakikipag-usap ni Pangulong Marcos Jr. sa mga dayuhang mamumuhunan na magdadala ng mga bagong trabaho sa bansa.

“Nabanggit niyan na ito ay nasa proseso at mayroon siyang nabanggit na puwedeng malikhang hanapbuhay o trabaho ang sana ay hindi ako nagkakamali mga 75,000 iyong nabanggit niya doon sa limang nabanggit na bansang nagpahayag ng kanilang commitment,” saad ni Laguesma.

Batay aniya sa pakikipag-ugnayan nito sa Department of Trade and Industry (DTI), mayroon ng mga mailalargang proyekto sa power at renewable energy sector na lilikha ng mga trabaho.

Kabilang sa mga dayuhang investors na magbubukas na ng pamumuhunan sa Pilipinas ay mula sa Germany, Singapore, United States at Netherlands.

Sinabi ni Laguesma na nakikipag-ugnayan na ang kaniyang ahensya sa DTI at Department of Energy (DOE) para matukoy kung anong mga trabaho ang kukunin sa mga bubuksang negosyo sa bansa.

“Kami sa Department of Labor and Employment ay nakikipag-ugnayan kami sa DTI at sa DOE kasi kung may kinalaman iyan sa renewable energy at saka sa power sector gusto naming tingnan iyong available manpower natin – nakahanda ba tayo na ika nga ay tugunan iyong pangangailangan nila,” dagdag ni Laguesma. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

PBBM magbibitiw bilang DA Secretary kapag napabayaan ang mga magsasaka

TELETABLOID

Follow Abante News on