WebClick Tracer

Teves binigyan ng 10 araw para sumagot sa naging hakbang ng Ethics Committee

Binigyan ng 10 araw si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. upang tumugon sa naging hakbang ng House Committee on Ethics and Privileges na kunin ang hurisdiksyon sa kanyang pagkabigo na umuwi sa bansa kahit expired na ang kanyang travel authority.

Ayon sa chairperson ng komite na si COOP NATCCO party-list Rep. Felimon Espares magsasagawa sila ng pagdinig kapag natanggap ang sagot ni Teves o kapag natapos na ang 10 araw na palugit.

“Will wait for the reply within 10 days upon receipt of committee notice before any meeting in this case [will] be conducted,” sabi ni Espares.

Nagsagawa ng pagdinig ng Ethics committee noong Agosto 1 at nagdesisyon ito na kunin ang hurisdiksyon ng kaso ni Teves kaugnay ng kanyang hindi pag-uwi sa bansa.

Sinabi ni Espares na ang mga miyembro ng komite ang magdedesisyon kung anong parusa ang ipapataw kay Teves.

Ang desisyon ng komite ay kailangan namang aprubahan ng plenaryo ng Kamara de Representantes.

Dalawang beses ng sinuspinde ng 60-araw ng Kamara si Teves.

Si Teves ay iniuugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Paulit-ulit namang itinanggi ni Teves ang alegasyon at iginiit na hindi ito bumabalik sa bansa dahil mayroong banta sa kanyang buhay. (Billy Begas)

See Related Story Here:

Enrile: Teves dapat umuwi na lang para linisin ang pangalan

TELETABLOID

Follow Abante News on