WebClick Tracer

PBBM binisita ang mga biktima ng baha sa Pampanga, nanawagan na paghandaan ang climate change

Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga binahang residente ng Pampanga nitong Lunes at naghatid ng tulong sa mga ito.

Sa kaniyang talumpati sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando City, nanawagan ang Pangulo sa mga taga-Pampanga na paghandaan ang epekto ng climate change dahil ibang-iba na ang takbo ng panahon ngayon.

Hindi lamang aniya sa Pampanga nakakaranas ng malawakang pagbaha dahil maging sa Northern Luzon ay nakaranas ng matinding pagbaha dahil sa bagyong ‘Egay’.

“Ang laki ng tubig na bumagsak na ulan, kasama rin kami sa Norte, hanggang dito sa Central Luzon kaya naman po kailangan natin paghandaan talaga itong ating tinatawag na climate change, nagbabago po ang panahon, hindi sumusunod sa dati,” saad ng Pangulo.

Tiniyak ng Presidente ang patuloy na tulong sa mga taga-Pampanga hanggang sa makabalik sa normal ang sitwasyon sa lalawigan.

Batid ng Pangulo na marami ang nawalan ng hanapbuhay at hindi makapasok sa trabaho dahil sa matinding pagbaha kaya nagdala ito ng konting tulong para maitawid ang sitwasyon habang hindi pa humuhupa ang baha.

“Iyan po ang aking sadya kayat sana naman maayos ang ating pagbibigay ng tulong sa ating mga kasama,” dagdag ng pangulo.

Kabilang sa mga tulong na iniabot sa mga mamamayan ng Pampanga ay P10,000 cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), food packs at cash assistance to individuals in crisis situation (AICS), bukod pa sa tulong na ibinigay ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga bayan ng Candaba, Macabebe, Masantol, Arayat, Porac at Sta. Ana.

Namigay din ang Pangulo sa pamamagitan ng Department of Agriculture ng certified seeds at hybrid yellow corn at iba pang mga butil ng mga gulay para sa mga magsasakang nasira at nawasak ang mga pananim dahil sa baha at pinsalang iniwan ng bagyo. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

PBBM tiniyak sa mga magsasaka hindi aangkat ng bigas kung may sapat na supply

TELETABLOID

Follow Abante News on