WebClick Tracer

Pangmatagalang solusyon sa baha sa Central Luzon ilalarga

Magtatayo ng water impounding projects ang gobyerno upang malutas ang mga malalang pagbaha sa Central Luzon at sa iba pang lugar sa bansa.

Ito ang inihayag ng Pangulo matapos personal na makita ang matinding pinsala ng malawakang pagbaha sa lalawigan ng Pampanga at Bulacan nitong Lunes.

Ayon sa Pangulo, iipunin ang tubig ulan upang hindi na bumaba sa mga ilog at mapunta sa mga kabahayan gaya ng nangyayari sa kasalukuyan.

“Iyong matagal ng pinaplano na maglalagay ng mga impounding project kung saan iipon yung tubig para hindi na bumaba sa ilog at hindi na mapuno ang ilog gaya ng nangyayari ngayon,” anang Pangulo.

Binigyang-diin ng Presidente na matagal ng plano ang water impounding roject pero hindi nasimulan kaya ilalarga na ng kanyang administrasyon para matapos na ang kalbaryo ng maraming Pilipino sa tuwing nagkakaroon ng bagyo at kalamidad.

Ang proyekto ay nakapaloob aniya sa batas na napirmahan noon pang 1989, partikular ang Republic Act no. 6716 na nag-aatas sa pagtatatag ng rainwater collectors.

Sinabi ng Pangulo na ang impounding areas ay malakihan na kayang sakupin ang 200 ektarya ng lupain at pakikinabangan bilang patubig sa irigasyon at gamit sa bahay.

Maaari rin aniyang gamitin sa power generation ang mga maiipon na tubig depende sa lokasyon nito at kung angkop ito para pagkunan ng enerhiya.

” So yun ang long-term na kailangan gawin. Matagal ng plano ito, hindi lang talaga na-implement pa, pero sisimulan na namin. Gagawa tayo ng mga impound na large-scale na ang pinag-uusapan,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on