WebClick Tracer

Pabahay para sa mga napinsala ang bahay sa Bulacan, tiniyak ni PBBM

Hahanapan ng gobyerno ng permanenteng bahay ang mga residente ng Bulacan na hindi na mapapakinabangan ang kanilang mga tahanan dahil sa matagal na pagkalubog sa tubig-baha.

Ito ang inihayag ng Pangulo sa mga taga-Bulacan matapos personal na bisitahin ang mga bayan na nakalubog sa tubig baha kahit nakaalis na ang bagyong Egay at Falcon noong nakalipas na linggo.

Ayon sa Pangulo, aatasan nito ang National Housing Authority (NHA) at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) para tulungan ang mga nasira ang mga bahay.

“Kung hindi na talaga puwede ay magbigay tayo, maghahanap tayo ng housing. Ang Department of Human Settlements ay nandiyan. Nandiyan din ang NHA para tulungan ang mga nasira talaga ang mga bahay at magkaroon ng permanent na housing na maganda,” anang Pangulo.

Tulad ng ginawa sa Pampanga, namahagi rin ng tulong ang Pangulo sa mga taga-Bulacan at inalam kung maayos ba ang paghahatid ng tulong ng mga ahensiya ng gobyerno sa mga ito.

Siniguro ng Presidente sa mga taga-Bulacan na mayroong long term plan na gagawin ang gobyerno upang hindi na maranansan ang matinding pagbaha na nararanasan ngayon ng maraming mamamayan sa Central Luzon.

Pagkatapos ng pamamahagi ng tulong ay binigyan ng situation briefing ang Presidente ng mga lokal na opisyal at ini-report ang mga pinsala sa matinding pagbaha, pati na ang pangangailangan ng mga mamamayan na nawalan ng hanapbuhay dahil sa perwisyong idinulot ng matagal na pagbaha sa lalawigan. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

NIA sinisisi sa matinding pagbaha sa Bulacan – Tolentino

TELETABLOID

Follow Abante News on