WebClick Tracer

Congresswoman nagbantang mag-walk out sa situation briefing ni PBBM sa Pampanga

Nagbantang mag-walk out si Pampanga 4th district Congresswoman Anna York Bondoc sa ibinigay na situation briefing kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa San Fernando, Pampanga matapos kontrahin ang plano na gawing water impounding ang Candaba swamp upang mabilis na humupa ang tubig baha sa lalawigan.

Habang ipinapaliwanag ni dating Department of Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson ang plano para sa water impounding sa kalagitnaan ng briefing ay nagsalita si Bondoc at inihayag ang pagkontra sa plano at nagbantang mag-walk out.

Tiila may pagbabanta pang sinabi ng Kongresista na sa Candaba nagsimula ang Hukbalahap movement at kung gusto aniya ng gobyerno na magkaroon ng problema ay ituloy ang plano sa water impounding.

“Hindi po kami papayag sa impounding sa Candaba swamp, that is a wrong concept and we are not going to allow that. Diyan sa Candaba, diyan nag-umpisa ang Hukbalahap movement, if you want a security problem sirain nyo yang hanapbuhay ng lahat ng magsasaka sa Candaba, magwa-walk out po kami dito,” saad ni Bondoc.

Ipinaliwanag naman ng Pangulo na para sa kapakanan ng lahat ng taga-Pampanga ang plano upang malutas ang problema at kunsimisyon sa matagal na pagbaha.

“Kaya nga hindi na bumababa na yung tubig dahil napuno na sa baba, it is not something that we are doing intentionally, it is something that happened dahil napakalakas ng ulan doon sa itaas kaya bumaba ang tubig. Instead of arguing, what do you suggest?,” saad ng Pangulo.

Nilinaw naman ni Singson na hindi ang buong Pampanga swamp ang gagawing water impounding kundi bahagi lamang nito at hindi lulunurin ang buong lugar.

Sa kalaunan ay napaliwanagan din ang Kongresista matapos mag-commit ang mga alkalde ng Pampanga na magtulungan upang malutas ang matagalang pagbaha sa lalawigan.

Bago matapos ang situation briefing ay binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. na “the location of water impounding is not a political decision, it is a decision made for us by nature. Kailangan nating sundan ang takbo ng lupa, ang takbo ng tubig. Hindi dahil pabor yung isa, malapit sa Presidente yung isa. It doesn’t work that way,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi ng Presidente na bukas ang kaniyang tanggapan na tumanggap ng mga mungkahi upang malutas ang problema sa pagbaha sa bansa. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

PBBM binisita ang mga biktima ng baha sa Pampanga, nanawagan na paghandaan ang climate change

TELETABLOID

Follow Abante News on