WebClick Tracer

Comelec pinadadagdagan qualification ng mga party-list nominee

Iminungkahi ni Commission on Elections chairperson George Garcia sa Senado na magdagdag ng kuwalipikasyon para matiyak na totoong miyembro ng marginalized sector ang mga party-list nominee.

“Ang puwede po nating gawin sa bill maglalagay tayo ng qualification of being nominees. Dadagdagan po natin ang qualification,” pahayag ni Garcia sa pagdinig ng Senate committee on electoral reform.

“Hindi naman po siya violation [of the 1987 Constitution] because that’s not [pertaining to the] qualification of members of the House of Representatives but qualifications of nominees of that particular sector or party,” paliwanag pa niya.

Ginawa ni Garcia ang rekomendasyon matapos talakayin ng komite ang dalawang panukala para ireporma ang party-list system sa bansa.

Inihain nina Senadora Imee Marcos, chair ng komite at ni Senador Ronald Dela Rosa ang mga panukala para masigurong ang mga nominado ng party-list organizations ay talagang kasapi ng sektor na kanilang kinakatawan.

Sabi pa ni Garcia, wala naman umanong constitutional provisions na malalabag sa batas dahil malinaw na nakasaad doon na ang nominees ay dapat miyembro ng marginalized sector.

“As far as the Comelec is concerned, there is no constitutional infirmity or there will be no provision of the Constitution that will be violated,” sabi ni Garcia.

Samantala, nais naman ni Marcos na obligahin ang mga party-list na mas maagang maghain ng certificate of registration nang mas maaga kumpara sa ibang mga kandidato para mabigyan ng sapat na oras ang Comelec para sa verification period.

Gusto rin ni Marcos na ipagbawal ng mambabatas ang substitution sa mga nominee na nag-withdraw ng acceptance nila sa nomination. Kapag nag-withdraw ang lahat ng nominees, dapat ituring nang umatras ang buong partido.

Pabor naman si Garcia sa panukalang perpetual disqualification to hold public office at criminalization ng nuisance candidates, maging ang mga nasa likod ng paghahain ng nuisance candidacy na maituturing aniyang isang sabwatan. (Dindo Matining)

See Related Story Here:

TELETABLOID

Follow Abante News on