WebClick Tracer

Automatic income classification of LGU bill pasado sa Senado

Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang isang panukala na naglalayong i-institutionalize ang awtomatikong income classification ng mga probinsiya, lungsod at munisipalidad sa buong bansa.

Dalawampu’t dalawang senador ang pumabor sa Senate Bill No. 2165, na iniakda at inisponsoran ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito.

Pinasalamatan ni Ejercito, chairman Senate Committee on Local Government, ang kanyang mga kasama sa kanilang suporta sa panukala.

“Through constructive collaboration and thorough deliberation, we have ensured that this legislation upholds the principles of transparency, accountability, and balanced governance, all for the welfare and safeguarding the interest of our local government units (LGUs),” sabi ni Ejercito.

Ang Automatic Income Classification of LGUs Bill ay pangalawang panukalang inisponsoran ni Ejercito na naaprubahan sa Senado. Ang una ay ang Charter of Carmona City, Cavite, na ipinasa ng Senado noong Enero.

Inaaprubahan naman sa House of Representatives ang kanilang bersiyon noong Marso.

Pinagsama ng Senate Bill No. 2165 ang Senate Bill No. 1530 na iniakda ni Ejercito at Senador Joel Villanueva; Senate Bill No. 1913 ni Senador Ramon Bong Revilla Jr.; at Senate Bill No. 2067 ni Senator Win Gatchalian.

Layunin ng naturang substitute bill, kasama sa legislative priorities ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magtakda ng income threshold para sa mga lalawigan, lungsod at munisipalidad at bigyan ng kapangyarihan ang Secretary of Finance na regular na i-reclassify ang LGUs at rebisahin ang income ranges sa pakikipag-konsultasyon nila sa LGU leagues.

Walang LGU ang ibaba sa ilalim ng nasabing panukala maliban na lang kung bumagsak ang kanilang income range sa susunod na reclassification.

Bukod diyan, tinutugunan sa pinal na bersiyon ng panukala ang sobrang limitasyon sa pagitan ng Salary Standardization Law of 2019 at ng Local Government Code of 1991 kaya pagaganahin ang LGUs na gawin ang kanilang administrative autonomy sa pag-streamline ng kanilang organization structure patungo sa higit na kahusayan at kakayahang tumugon sa kani-kanilang service delivery requirements.

Ang pinakabagong income reclassification ay ipinatupad 2008 bago amglabas ng adverse opinion mula sa Department of Justice sa kapangyarihan ng Secretary of Finance na mag-adjust sa income range sa ilalim ng Executive Order No. 249, noong Hulyo 26, 1987.

Nangangahulugan ito na ang kasalukuyang income classification ng LGUs ay nakabatay sa outdated revenue figures mula sa kanilang 2004-2007 Financial Statements. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on