WebClick Tracer

PBBM tiniyak sa mga magsasaka hindi aangkat ng bigas kung may sapat na supply

Pinawi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangamba ng mga magsasaka sa plano ng gobyerno na pag-aangkat ng bigas mula sa ibang bansa.

Sa lingguhang vlog ng Pangulo, sinabi nitong hindi aangkat ng bigas kung mayroong sapat na supply ang bansa.

Gagawin lamang aniya ang pag-aangkat kung may kakulangan sa supply.

Sinabi ng Pangulo na sa ngayon ay mayroong supply ng bigas at ang binabantayan ay ang presyo nito dahil tumataas ang halaga ng bigas sa buong mundo.

“Gagawin lang natin ito kung hindi sapat ang supply kaya’t dapat asahan ng ating mga magsasaka na hindi tayo mag-iimport kung sapat ang supply dito sa Pilipinas,” anang Pangulo.

Naunang inihayag ng Presidente na manipis ang supply ng bigas sa bansa dahil sa iniwang pinsala ng bagyong Egay sa agrikultura, bukod pa sa inaasahang magiging epekto ng El Nino phenomenon sa mga darating na buwan at pinag-aaralan ang posibleng pag-aangkat ng bigas.

Sinabi ng Presidente na kakailanganin ang tulong ng pribadong sektor sakaling dumating ang pagkakataon na hindi na magiging sapat ang supply dahil sa epekto ng El Nino. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on