WebClick Tracer

Panukala na palitan 46-anyos na Building Code umusad sa Kamara

Umusad na sa Kamara de Representantes ang panukala na palitan ang Building Code na sinimulang ipatupad noong 1977.

Ang panukalang New Philippine Building Act (House Bill 8500) ay inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa sa pamamagitan ng voice voting.

Layunin ng panukala na matiyak na ang mga imprastrakturang itatayo sa bansa ay matatag laban sa lindol, bagyo, baha, landslide at iba pang hamon ng kalikasan.

Nakapaloob din sa panukala ang mahusay na paggamit ng tubig at enerhiya ng itatayong imprastraktura at angkop ito sa mga taong may kapansanan.

Sa ilalim ng panukala ay itatayo ang Building Regulation and Standards Council (BRSC) na siyang magrerepaso at magrerekomenda ng pamantayan na gagamitin upang maabot ang layunin ng bill.

Sinabi ni Bulacan Rep. Salvador Pleyto, pangunahing may-akda ng panukala, na ang pagpapalit sa 46-anyos na Presidential Decree 1096 ay kinakailangan na upang mapangalagaan ang mga buhay at ari-arian.

“This law (PD 1096) has to be repealed. We have been using this obsolete law,” sabi ni Pleyto.

Ang PD 1096 ay inilabas ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1977. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on