WebClick Tracer

Bill sa kuryente ng pinakamahirap na mga Pinoy, sasagutin ng gobyerno

Ilalarga ng gobyerno sa susunod na buwan ang Lifeline Rate program para bayaran ang bill sa kuryente ng mga pinakamahihirap na mamamayan.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang programa ay ibibigay sa mga kuwalipikadong mamamayan na walang kakayahang bayaran ang kanilang bill ng kuryente.

Kabilang sa mga maaaring mag-apply para sa Lifeline Rate program ay ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), o mga mamamayan na pinakamahihirap batay sa itinakdang pamantayan ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Isang aplikante lamang sa isang household ang papayagang mag-apply sa Lifeline Rate program.

Ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay maaaring magsumite ng kanilang aplikasyon sa Distribution Utility o kaya sa Electric Cooperative at ilakip ang kanilang latest na electricity bill, ID at address ng customer.

Para naman sa mga aplikanteng nasa pinakamahihirap na pamantayan, kailangang magpakita ito ng sertipikasyon mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang kinikita ay mas mababa sa poverty threshold.

Batay sa record ng Energy Regulatory Commission (ERC) nitong July 2023,  mayroon lamang 12,829 benepisyaryo ng 4Ps na nag-apply sa Lifeline Rate program mula sa 4.2 million na 4Ps beneficiary. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on