WebClick Tracer

Bato hindi pabor mag-order mga preso sa GrabFood, FoodPanda

Pagpapaliwanagin ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang New Bilibid Prison (NBP) kung bakit pinapayagan nila ang mga person deprived of liberty (PDL) na tumanggap ng food deliveries sa pamamagitan ng online apps tulad ng GrabFood at FoodPanda.

Ayon kay Dela Rosa, noong siya ang namuno sa Bureau of Corrections (BuCor), hindi niya pinayagang maibigay ang luho ng mga preso.

“Never, never kong in-allow yan. Eto ang tanong ko: kung binabawalan natin silang mag-cellphone doon sa loob, paano sila makapag-deliver ng pagkain sa Grab,” pahayag ni Dela Rosa sa panayam sa DZBB.

“Ibig sabihin naglipana na naman ang cellphone sa loob, kaya nakaka-order sila?” punto pa niya.

Dagdag pa niya, nangangahulugan aniya ito na ang mga preso ay mayroong access sa internet.

“Ibig sabihin meron na naman silang communication sa loob? So that explains why marami na namang kababalaghan ang nangyayari, may droga na naman, may mga baril na naman nakakapasok. So ganun yun,” ani Dela Rosa.

“Sa panahon natin, bawal ang cellphone, bawal any form of communications,” dagdag pa ng dating Philippine National Police chief.

Sabi pa ni Dela Rosa, gigisahin din niya ang mga opisyal ng NBP at Department of Justice (DOJ) hinggil sa food allowance ng mga preso.

“Bakit sa panahon ko, di ganun man din kalaki ang food allowance nila, pero wala naman akong narinig na mag reklamo sa pagkain,” ayon sa senador.

Kung pinapayagan umano ang mga preso na bumili ng kanilang pagkain, kahit na ang pamilya nila ang nagpapadala, sinabi ni Dela Rosa na natatalo nito ang purpose ng kanilang rehabilitasyon sa kulungan.

“Eh parang ordinaryong dormitory ng eskwelahan na lang pala yang kulungan na yan; dapat itigil yan,” sabi ni Dela Rosa.

“It defeats the purpose of being confined and rehabilitation kung maraming external factors na pumapasok dyan sa loob ng Bilibid, kaya nga kinompile natin sila dyan sa loob para ma reform, pero espesyal pala sila dyan sa loob,” sambit pa niya. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on