WebClick Tracer

Paglipat sa DOF ng income category ng mga LGU, ‘constitutional’ – Cayetano

Pabor si Senador Alan Peter Cayetano sa panukalang ilipat sa Department of Finance (DOF) ang tungkulin ng Kongreso na tukuyin ang income classification ng bawat local government unit (LGU).

Sabi ni Cayetano, hindi lamang ito kapaki-pakinabang, ito rin ay konstitusyonal.

Aniya mapapabilis ang pagtatalaga ng income classification kung ibibigay ito sa DOF. Magreresulta rin ito ng pagtitiyak na ang mga pondo na natatanggap ng mga LGU mula sa national government ay tumutugma sa pangangailangan ng kani-kanilang lugar.

Ipinunto ito ni Cayetano nitong Agosto 2, 2023 nang isagawa ang period of amendments para sa Senate Bill No. (SBN) 2165 o ang “Automatic Income Classification of Local Government Units” na inisponsor ni Senate Committee on Local Government chair Senator Joseph Victor “JV” Ejercito.

Kapag naisabatas, ililipat ng SBN 2165 ang tungkuling tukuyin income classification ng mga LGU sa DOF mula sa Kongreso.

Ang panukalang batas ay naglalayon na tiyakin na ang income classification ng mga LGU ay naayon sa “prevailing economic conditions and the overall financial status of local governments.”

Ipinagkasundo ni Cayetano ang punto ni Minority Leader Senator Aquilino Pimentel III na posibleng maging “unconstitutional” ang gagawing paglipat at ang pagsang-ayon ng mayorya sa layunin ng panukalang batas.

Paliwanag ng independent senator, “valid and constitutional” ang SBN 2165, dahil sapat at malinaw ang mga pamantayang inilatag ng panukalang batas para sa awtoridad na ibibigay sa DOF, na nakalahad sa Section 5 nito.

Kabilang dito ang tungkuling baguhin ang income reclassification ng mga LGU isang beses bawat tatlong taon. Isaalang-alang din ang inflation at gross regional domestic product sa pagsusuri kung ang isang LGU ay dumanas ng “prolonged economic shocks” na maaaring maging dahilan kaya kailangang huwag baguhin ang kasalukuyang income classification nito.

(Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on