WebClick Tracer

Motorcycle rider takot nang sumilong sa mga footbridge, flyover

Wala na umanong tumatambay na motorcycle rider sa ilalim ng mga footbridge at flyover matapos masampolan ang pito sa mga ito noong Agosto 1.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Metro Manila Development Authority Director for Traffic Enforcement Group Atty. Victor Nunez, na matapos matiketan ang pitong riders ay wala nang nagpasaway sa mga sumunod na araw.

May mga naabutan aniya ng ulan na nakisilong lamang saglit para magsuot ng kanilang kapote at agad ding umaalis.

“Noong first day nakahuli kami ng pitong riders but on the second and third day ay wala na ho kaming natiketan because we’re a bit lenient naman po,” ani Nunez.

Mukha naman aniyang naintindihan ng motor riders ang punto ng ahensiya kaya ipinatupad ang paghihigpit sa pagsilong sa ilalim ng flyovers at footbridge lalo na sa EDSA.

Sinabi ni Nunez na walang hangarin ang MMDA kundi ang kaligtasan ng lahat ng motorista lalo na kapag malakas ang ulan at iniiwas lamang ang mga ito sa peligro at aksidente.

“Mukhang naintindihan naman nila na we’re doing this, we’re implementing this primarily to promote road safety at makaiwas sa aksidente,” dagdag ni Nunez.

Matatandaang ipinatupad ng MMDA ang paniniket at paniningil ng multa sa mga motorcycle rider na tumatambay at sumisilong ng matagal sa mga ilalim ng flyover at footbridge dahil sa peligro ng aksidente at pagbagal ng daloy ng trapiko dahil halos sinasakop umano ng mga ito ang kalsada habang nagpapatila ng ulan. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

Motorcycle rider sumemplang sa Skyway

TELETABLOID

Follow Abante News on