WebClick Tracer

Anniversary ng ilang Port Management Office ng PPA hitik sa saya, biyaya

Napuno ng saya at nagpaulan ng biyaya sa pagdaraos ng ilang Port Management Office (PMO) ng Philippine Ports Authority (PPA) ng kani-kanilang mga anibersaryo ngayong taon.

Kasama ng PMO Mindoro na naghatid ng saya ang PPA Mascot na si Pepe Asensado.

Inumpisahan nila ang selebrasyon ng ika-23 anibersaryo na may temang “Dalawampu’t Tatlong Taong Paligsayahan sa Pantalan” sa pamamagitan ng isang parada, kung saan bumida si Pepe Asensado kasama ang buong kawani at mga opisyales ng PMO Mindoro.

Matapos nito’y tumungo sila sa pinakamalaking Passenger Terminal Building sa Port of Calapan kung saan idinaos ang isang misa, cheers and yells competition, parlor games at sports events.

Nagsagawa rin ng outreach program, kung saan humigit-kumulang 100 mag-aaral ng day care center mula sa Barangay San Antonio at San Rafael ang napasaya at nabigyan ng donasyon.

Samantala, simple at makabuluhan din ang naging selebrasyon ng PMO Lanao del Norte/Iligan na may tema namang “Pagtambayayong ug Pagpakabana” o pagtutulungan at pagkamaalalahanin.

Punong-puno ng mga aktibidad ang kanilang selebrasyon, isa na rito ang pagsasagawa ng Open House na layong maibahagi ang kalakalan sa pantalan at mailapit ang buong komunidad dito.

Nasa 41 estudyante mula sa day care center ng Barangay Saray ang naimbitahan at pinanood ng educational video patungkol sa pantalan.

Nalaman din ng bawat isa sa kanila ang proseso ng bawat pasahero bago makasakay sa barko sa ginawang pag-iikot sa Passenger Terminal Building, kung saan umakyat pa ang mga ito sa M/V Trans Asia 18 kasama ang kanilang mga guro at guardian.

Pagkatapos nito ay namahagi ng meryenda at school supplies sa day care center mula sa pakikipagtulungan ng PMO Iligan Multi-Purpose Cooperative na bahagi ng kanilang back-to-school program.

Nagkaroon din ng programa upang kilalanin ang mga PMO Service Awardee gayundin ang seremonya para sa pagbubukas ng week-long Inter-PMO Sportsfest, wellness at iba pang nakahain na programa para sa mga empleyado na nakatakdang magtagisan sa sport gaya ng volleyball, badminton, table tennis at dart.

Maliban sa PMO Mindoro at PMO Lanao del Norte/Iligan, idinaos din ng PMO Eastern Leyte/Samar ang kanilang ika-46 na anibersaryo na may temang “Beyond Waves and Wharves: Celebrating 46 years of Port Impact”.

Layunin nilang magbigay ng saya, mamahagi ng biyaya at makatulong hindi lamang sa mga manggagawa sa pantalan kundi pati na rin sa mga residente sa Pope Francis Home for the Orphans and Elderly sa Palo, Leyte.

Namahagi rin ng pagkain pang-araw-araw at mga kinakailangang gamit sa nasabing institusyon.

Idinaan naman sa pag-awit ng mga residente ng charitable institution ang kanilang pasasalamat sa mga empleyado ng PMO Eastern Leyte sa isinagawang outreach program.

Bilang parte ng selebrasyon, nagkaroon din ng Garage/Rummage Sale, Festive Food Show, Trivia Game at Best in Hula Dance.

Nauna na ring ipinagdiwang ng iba pang PMO ang kani-kanilang mga anibersaryo kabilang ang PMO Negros Oriental/Siquijor, PMO Bataan at PMO Zamboanga.

(IS)

TELETABLOID

Follow Abante News on