WebClick Tracer

Walang ebidensiya na patay na ang nawawalang preso – BuCor

Wala pa umanong ebidensiya ang Bureau of Corrections (BuCor) na magpapatunay na patay na ang nawawalang preso na si Michael Cataroja.

Sa pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety ngayong Huwebes, sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na “missing” ang estado ni Cataroja.

“Ang status po niya ay missing. Hangga’t ‘di natin nabubuksan ang lahat ng septic tank at nagagalugad ang buong NBP (New Bilibid Prison), our declaration is he is missing,” sabi ni Catapang.

Mayroon umanong walo o siyam na septic tank sa loob ng NBP.

“Kung wala po siya (sa loob ng NBP), saka namin ide-declare na nakatakas o AWOL,” dagdag pa ni Catapang.

Samantala, sinabi naman ni BuCor Deputy Director Angelina Bautista na si Cataroja ay mayroong kasaysayan na nagtatago sa loob ng NBP upang matakasan ang mga naniningil ng utang sa kanya.

“Madalas po siya magtago, sabi po ng mga PDL (persons deprive of liberty), kasi may utang,” sabi ni Bautista.

Isang K9 dog umano ang kanilang ginamit upang mahanap si Cataroja at dinala sila ng aso sa septic tank kung saan nakakuha sila ng brief at buto.

Ang boto ay pinag-aaralan umano ng forensic unit ng National Bureau of Investigation.

Sinabi ni Bautista na ang impormasyon na nakarating kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nagsasabing nahanap ang labi ni Cataroja sa septic tank ay “fake news.”

“Fake news po ang nakarating kay Secretary. Nakuha po ng camera nilang media, alam po ng media ang totoo. Iyong nakarating po kay Secretary did not come from us. We weren’t the ones who gave that information to the Secretary,” dagdag pa ni Bautista.

Mayroon na umanong tracking team na naghahanap kay Cataroja matapos na makatanggap sila ng impormasyon na mayroong nakakita rito na nakasakay sa isang trak kasama ang kanyang pamilya. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on