WebClick Tracer

PBBM: Mga ikinakasang MOUs sa Malaysia, tinatrabaho na

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gobyerno ng Malaysia na tinatrabaho na ng kaniyang gobyerno ang mga Memorandum of Understanding (MOU) para sa iba’t ibang larangan na pakikinabangan ng dalawang bansa.

Ang pahayag ay ginawa ng Pangulo sa kaniyang press statement matapos ang bilateral meeting nila ni Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim sa Putrajaya, Malaysia nitong Miyerkoles ng hapon.

Tiniyak ng Pangulo na mapipirmahan ang mga MOU sa mga darating na araw na may kinalaman sa agrikultura, Halal industry, Islamic banking, edukasyon, turismo at kultura, palakasan at digital economy.

“We continue to work on the corresponding MOUs in these fields and have them signed– we’ll have them signed in the near future,” saad ng Pangulo.

Bilang pagkilala aniya sa importansya ng ASEAN Centrality, tiniyak ni Pangulong Marcos Jr. ang pangako na susuporta sa lahat ng aktibidad sa ASEAN at BIMP-EAGA o ang Brunei-Indonesia-Malaysia-Philippines East Asean Growth Area.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. na ang kaniyang state visit sa Malaysia ay hindi lamang bilang pagkilala sa pagiging magkapitbahay na bansa at partner kundi pagpapatibay at pagpapalakas sa ugnayan at pagkakaibigan ng dalawang bansa.

Nakatakdang ipagdiwang ng Pilipinas at Malaysia ang ika-60 na anniversary ng formal diplomatic relations sa susunod na taon. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

Relasyon ng ‘Pinas, Malaysia, target palakasin ni Marcos

TELETABLOID

Follow Abante News on