WebClick Tracer

118 GOCCs nire-review ng GCG kung palalawigin pa o lulusawin na

Sumasailalim sa review ng Governance Commission for Government-Owned and Controlled Corporations (GCG) ang 118 government-owned and controlled corporations upang matukoy kung nakakatugon pa ito sa kanilang mandato o nagiging pabigat na sa gobyerno.

Ayon sa GCG, magiging daan ito sa gagawing rekomendasyon sa Kongreso kung magpapatuloy ang isang gocc o kaya naman ay lulusawin o sasailalim sa merging sa iba pang GOCC.

Aalamin ng GCG sa gagawing review ang kakayahan ng isang GOCC sa aspeto ng ekonomiya, pagtugon sa pangangailangan ng publiko at nakakasunod sa mga polisiya at programa ng national government.

“These may include recommendations on whether certain government corporations will be abolished, merged, or retained. As some of the charters of the GOCCs are about to expire, the GCG will also make recommendations on whether to extend or not to extend their charters,” saad ng GCG.

Sa kasalukuyan ay mayroong 118 GOCCs na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng GCG na nasa tinatatayang P10 trillion ang assets.

Ayon kay GCG Chairperson retired Justice Alex Quiroz, mahigpit ang bilin sa kaniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tulungan ang bansa sa pamamagitan ng rightsizing at transparency upang mapangalagaan at maayos na mapangasiwaan ang mahigit sampung trilyong pisong assets ng mga GOCC.

“The President’s marching orders to me were very short: Let us help our country.’ Insofar as the GOCCs are concerned, the President wants to have rightsizing and transparency to take care of its more than P10 trillion assets and to avoid the dissipation of public funds.” saad ni Justice Quiroz.

Sa gagawing review ay magkakaroon ng mga konsultasyon sa GOCCs at stakeholders, muling bibisitahin ang charters, scorecards at pag-assess sa naging kontribusyon sa pagsulong ng bansa.

Tiniyak ni Justice Quiroz na mananatiling matatag ang mandato ng GCG bilang central advisory at monitoring body sa GOCCs upang masigurong nagagawa at natutugunan ng mga GOCC ang kanilang mandato para sa pagsulong ng bansa. (Aileen Taliping)

See Related Story Here:

GOCC na walang pakinabang sa loob ng 30 years pinaiimbestigahan ni PBBM

TELETABLOID

Follow Abante News on