Nilinaw ng Philippine Ports Authority (PPA) na wala sa hurisdiksiyon nila ang isang pribadong pantalan sa lalawigan ng Bataan kung saan nasabat ng mga awtoridad ang malaking bulto ng pinaghihinalaang puslit na gasolina.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, mahigpit ang kanyang tagubilin sa lahat ng nangangasiwa sa mga pantalan na sakop ng ahensiya na huwag ipagamit sa kabulastugan ang anumang pasilidad sa nasasakupan ng mga ito.
Kamakailan nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa isang pribadong pantalan sa Bataan na Seafront Shipyard and Port Terminal Services Corporation ang undocumented na 40,000 na litro ng gasolina sa ilalim ng hurisdiksyon at pamamahala ng Freeport Area of Bataan.
Sa isinagawang imbestigasyon ng BOC, nasa 0% ang fuel marker ng mga nasamsam na gasolina matapos nitong sumailalim sa isang fuel marking test na isinagawa ng testing at certification company na Société Générale de Surveillance.
Ang fuel marking ay ginagamit ng gobyerno upang sugpuin ang pagpupuslit ng mga produktong petrolyo at para mapataas ang revenue collection ng BOC at Bureau of Internal Revenue mula sa taxable imported at locally refined petroleum products.
See Related Stories:
Mga LSI inilipat sa Philippine Ports Authority