Kinansela ng Comelec 2nd Division ang registration ng An Waray party-list dahil sa hindi pagsunod sa mga tuntunin at regulasyon nito.
Ayon sa poll body nitong Biyernes, pinayagan ng An Waray ang pangalawang nominado nito na si Atty. Victoria Isabel Noel na maupo bilang isa sa mga kinatawan sa Kamara kahit wala silang inisyu na Certificate of Proclamation para gawin ito.
Noong 2013 elections, isa sa mga nanalo sa party-list race ang An Waray at pinagkalooban ng dalawang upuan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Gayunpaman, ipinaliwanag ng Comelec na ang inisyal na pagbibigay ng dalawang puwesto sa An Waray ay ginawang isang upuan lamang alinsunod sa resolusyon ng National Board of Canvassers na ipinahayag noong Agosto 2014.
Ginawa ang recomputation ng upuan matapos ang kautusan ng Supreme Court na iproklama ang Abang Lingkod PL bilang isa sa mga nanalong party-list group sa 2013 elections.
Kaya kung wala umanong Certificate of Proclamation para sa pangalawang nominado ng An Waray ay walang legal na batayan ang pagluklok kay Noel bilang isa pang kinatawan nito sa Kamara.
(IS)