WebClick Tracer

Cameroonian bistado sa modus na pagpaparami ng pera gamit ang kemikal

Nadakip ang isang Cameroonian na target biktimahin ang mga taga-probinsya at mga OFW kung saan manghihingi siya ng pera at mangangakong dodoblehin o titriplehin ito gamit ang mga ipinapahid na kemikal.

Ayon sa ulat, nahuli ang hindi kinilalang suspek matapos niyang makipagtransaksyon sa isang undercover agent ng National Bureau of Investigation sa isang hotel sa Maynila.

Humingi umano ng P3 milyon ang suspek para gawin niya itong P9 milyon.

Narekober sa kanya ang P3 milyong marked money, mga paraphernalia, puting pulbos at likido na nasa boteng ginagamit umano sa tinatawag na “black dollar peso scam”.

Ani Kelvin Caoili, executive officer ng NBI Lal-Lo, Cagayan, dinemo ng suspek sa undercover agent kung paano paramihin ang P1,000 bill.

Pinapahid umano ang kemikal sa cut-out ng shape ng P1,000 bill.

Nahaharap sa estafa at paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code ang Cameroonian, na nasa kustodiya na ng NBI detention facility.

TELETABLOID

Follow Abante News on