WebClick Tracer

Proyekto para sa kuryente sa Mindoro, bilisan na – solon

Umapela ang isang mambabatas sa Energy Regulatory Commission (ERC) na aprubahan na ang interconnection project upang makakuha ng kuryente mula sa Luzon grid ang isla ng Mindoro.

Ayon kay Occidental Mindoro Rep. Leody Tarriela naghain ng aplikasyon ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa ERC noong 2021 para sa Batangas-Mindoro interconnection project.

“Sana ay aprubahan na ang petisyon ng ERC na isa’t kalahating taon na din na pending sa kanila,” sabi ni Tarriela.

Layunin ng proyekto na mabigyan ng kinakailangang suplay ng kuryente ang isla na binubuo ng probinsya ng Occidental at Oriental Mindoro.

“Kung nagawa na ito noon pa, matagal na sanang nasolusyonan ang halos perpetual na brownouts sa aming probinsya,” dagdag pa ni Tarriela.

Aabot umano sa P16.87 bilyon ang kakailanganin para mailatag ang 90 kilometrong linya mula sa Batangas.

Ang linya sa Mindoro ay plano ring gamitin upang masuplayan ng Luzon grid ang Palawan. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on