Umusad na sa Kamara de Representantes ang pagtatayo ng isang level 3 Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital na pangangasiwaan ng Department of Migrant Workers (DMW).
Inaprubahan ng Kamara ang panukalang OFW Hospital Act (House Bill 8325) sa ikalawang pagbasa.
Sa ilalim ng panukala, ang OFW Hospital (OFWH) ay magsisilbing pangunahing referral facility para sa mga na-repatriate na OFW na nangangailangan ng tulong medikal. Ang OFWH ay isasama sa provincial at inter-regional healthcare provider networks alinsunod sa Universal Health Care Act.
Ang OFWH ay inaatasan na gumawa ng mga training program para sa mga medical at kaugnay na propesyon upang mas mapataas ang kalidad ng serbisyong naipagkakaloob nito.
Magagamit din ang OFWH para sa pre-employment medical examination ng mga OFW.
Ang mga medical specialist sa ibang ospital ng gobyerno gaya ng Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, Lung Center of the Philippines, National Children’s Hospital at Philippine General Hospital ay hinihimok na mag-clinic sa OFWH.
Isang joint Congressional Oversight Committee, na pamumunuan ng chairperson ng Senate Committee on Health and Demography at House Committee on Health ang itatayo upang bantayan ang pagpapatupad ng panukala. (Billy Begas)