WebClick Tracer

Hontiveros: Maharlika bill minamadali kahit walang pagkukunan ng pondo

Kinastigo ni Senadora Risa Hontiveros ang pagsertipika bilang urgent ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Maharlika Fund bill.

Ayon sa Senate assistant minority leader, masyadong baluktot at lutang ang mga dahilan kung bakit kailangang madaliin ang pagpasa ng Maharlika Fund.

“Pinapamadali ito kahit walang pagkukunan ng pondo dahil walang natira sa kinita sa Malampaya oil and gas fields, at hindi pa nakakalusot ang batas na magtataas sana ng kita ng gubyerno mula sa mga magbubukas na minahan,” sabi ni Hontiveros sa isang statement.

Dahil walang labis na “wealth”, ani Hontiveros, pinag-iinteresan naman umanong kunin at isugal ang maayos namang kumikitang pondo ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.

“Magiging malaking kawalan ito sa mga magsasaka at maliliit na negosyo na hindi kayang umutang sa mga pribadong commercial banks,” saad pa ng senadora.

Pero sa pagmamadaling ito, sinabi pa ni Hontiveros na gusto ring alisin ang pondo para sa Bangko Sentral na siyang pangunahing maaasahang pananggalang sa pagbagsak ng piso, pagtaas ng presyo at interes sa pautang.

Sa kabila nito, ani Hontiveros, ayaw sabihin ng Malacañang kung saan dadalhin ang pera.

“Para ba ito sa mga drayber at operator na walang kapital para sa modernong jeep? Para ba ito sa magsisibuyas o mangingisda na walang mapagdalhan ng cold storage para sa produkto nila? O para ba ito sa mga bagong planta ng kuryente o storage ng solar power para matigil ang mga brownouts? Hindi po,” ayon sa mambabatas.

“There’s nothing more urgent than prioritizing funding our social services, agriculture, transport sector and energy sector. Maraming pamilyang Pilipino ang namamaluktot na sa maiksing kumot. Hindi natin dapat hayaang malubog pa ang ekonomiya dahil sa walang kawawang paggastos,” diin pa niya. (Dindo Matining)

TELETABLOID

Follow Abante News on