Ibinasura ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mungkahi ng isang kongresista na magpatupad ng total deployment ban ng Overseas Filipino Workers (OFW) sa Kuwait.
Sa panayam ng media sa Pangulo nitong Biyernes ng umaga, sinabi nitong hindi siya kumportable sa mungkahi dahil parang nangangahulugan na aniya ito na hindi na puwedeng magpadala pa ng OFW sa Kuwait.
Kahit aniya ang Kuwait ang nagpatupad ng deployment ban sa mga OFW, hindi ibig sabihin ay tatapatan ito ng gobyerno.
“I’m never very comfortable yung nagba-ban na ganun dahil parang ang pag-ban sinasabi mo forever na yan, hindi na puwede,” saad ng Pangulo.
Binigyang-diin ng Presidente na ayaw niyang magsarado ng pintuan sa Kuwait dahil baka sa darating na mga araw ay baka magbago muli ang isip ng kanilang gobyerno at makakapagpadala muli ng mga manggagawang Pinoy sa kanilang bansa.
Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na hindi tamang magpadalos-dalos at mag-ban ang gobyerno bilang ganti sa ginawa ng Kuwait na pag-ban sa mga OFW.
Kumikilos aniya ang gobyerno bakasakaling magbago ang desisyon ng Kuwait government at muling buksan ang pagtanggap ng OFWs sa kanilang bansa.
“I don’t want to burn any bridges sa sasabihin na baka in the future, baka in a little while, a few months from now,a year from now eh baka magbago ang sitwasyon at puwede na tayong magpadala ulit ng workers sa Kuwait,” dagdag ng Pangulo.
Ang desisyon ng Kuwait na hindi na mag-isyu ng entry visa sa mga bagong OFW dahil sa paglabag umano ng gobyerno sa bilateral agreement gaya ng paglalagay ng shelters para sa runaways na OFWs at direktang pagtawag ng gobyerno sa employers na inireklamo ng kalupitan sa kanilang mga Pinoy workers. (Aileen Taliping)