WebClick Tracer

10k libreng Wi-Fi site, bubuhayin ng DICT

Aabot sa 10,516 free Wi-Fi sites ang bubuhayin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) bago matapos ang taon.

Sa briefing para sa mga miyembro ng House Committee on Appropriations, sinabi ni DICT Assistant Secretary Heherson Asiddao na sa kasalukuyan ay mayroong 3,961 active free Wi-Fi site sa bansa.

Target umano ng DICT na mapataas ito sa 14,477 free Wi-Fi sites bago matapos ang taon kasama ang mga ikakabit sa mga ospital ng gobyerno, tourist spots at state university and college.

Ayon kay DICT Secretary Ivan Uy ng pumasok ang administrasyong Marcos ay nasa 3,900 lamang sa 11,000 free Wi-Fi sites ang aktibo. Hindi umano ni-renew ang kontrata sa mga internet provider kaya walang koneksyon ang karamihan.

Sinabi ni Asiddao na makatatanggap ang DICT ng P1.5 bilyon mula sa Department of Budget and Management (DBM) sa ikatlong quarter ng taon para mabayaran ang malaking bahagi ng obligasyon nito sa mga telecommunication company.

Pinaplantsa pa umano ang ilang sinisingil ng telcos dahil hindi ito tugma sa rekord ng DICT, ayon kay Asiddao.

Ayon naman kay House Deputy Minority Leader at Northern Samar Rep. Paul Daza mayroong mga telco na ayaw sumali sa bidding para sa libreng Wi-Fi dahil hindi pa sila nababayaran sa naunang kontrata.

“That is why they (DICT) are having a hard time implementing those projects. No one would bid on free public Wi-Fi because they (DICT) have large payables to the telcos, which, for now, provide the bandwidth since we don’t have national broadband yet,” sabi ni Daza.

Ipinunto naman ni Daza na maraming pondo ang DICT kaya dapat bayaran na nito ang mga utang na naayos na ang papeles.

Sinabi naman ni Asiddao na unti-unting binabayaran ng DICT ang mga obligasyon nito. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on