Natupad ang pangarap ni Rochelle Pangilinan sa kanyang 41st birthday nitong Mayo 23.
Ito’y ang makasamang humataw sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City ang mga dancer na nakasama at nakasayaw niya sa telebisyon.
Sa Instagram shinare ng former SexBomb Girls leader ang video ng kanyang birthday dance number.
“Dream come true! Isang masayang pangarap ang natupad! Ang makasayaw ang mga dancers na nakasama at nakasayaw ko sa tv! Maraming salamat sa lahat ng bumuo nito!” ani Rochelle sa caption.
Pinasalamatan niya ang mga taong tumulong upang matupad ang kanyang pangarap kasama na ang kanyang asawang si Arthur Solinap pati na sa lahat ng dancers na dumating kabilang na ang PHD, Flash Mob, Sexbomb Mae, UMD, SOP, Megamix, Dance Focus, Polycosmic Kukuz, Vicors, Rocaholics, Different Colors, Kukuz, at Black & White.
“Nagsend lang ako ng dance video sa kanila. Inaral nila ang sayaw. Nagbihis, nagbigay ng time at effort ang mga taong ito para sa kin. Ang sarap sa pakiramdam. Mga taong nakatrabaho ko sa tv noon at ngayon.
“Ngayon hindi ko alam kung paano sila pasasalamatan. Hindi ko alam na marami pa rin pala ang nagmamahal sa akin. Ang saya saya ng birthday kong ito! Maraming salamat God sa mga taong nakapaligid sa akin ngayon,” dagdag ni Rochelle. (IS)