WebClick Tracer

Paolo Duterte humirit ng discount para sa kumukuha ng driver’s license

Driver’s license

Naghain ng panukala si Davao City Rep. Paolo Duterte at dalawa pang kongresista para mabigyan ng 20% diskwento ang mga mahihirap na driver ng pampublikong sasakyan na kumukuha ng professional driver’s license.

Sa House Bill 8070, hiniling nina Duterte, Benguet Rep. Eric Yap, at ACT-CIS party-list Rep. Edvic Yap na ibigay ang diskwento sa examination fee, kinukuhang certificate at clearance, at pag-aaral sa accredited driving school.

Ayon kay Duterte nagiging pabigat sa mga mahihirap na PUV driver ang mga requirement na itinakda ng Land Transportation Office (LTO) sa mga kumukuha ng professional driver’s license.

Bukod sa karaniwang requirement gaya ng written at practical driving exam, ang mga aplikante ng professional driver’s license ay kailangang kumuha ng clearance mula sa National Bureau of Investigation (NBI) or Philippine National Police (PNP), makatapos ng hindi bababa sa walong oras na practical driving lesson sa isang accredited driving school, ayon sa LTO Memorandum Circular 2021-2284.

Ang kabuuang gastos ay umaabot umano sa P4,000 hanggang P7,000.

“While the intention of the memorandum is to promote road safety and proper motorist behavior, such requirements would add to the burden of the PUV drivers who are now even tasked to buy modernized and climate-friendly vehicles under the PUV Modernization Program,” sabi ng mga may-akda sa panukala.

Sa ilalim ng HB 8070, ang 20% diskwento ay ibibigay sa pagkuha ng birth certificate mula sa Philippine Statistics Authority, medical certificate mula sa LTO-accredited clinic, NBI at PNP clearance, bayad sa theoretical at practical driving courses sa LTO o TESDA-accredited driving schools, examination fee at iba pang government-issued documents.

Mula sa isang taon, ibinababa ng panukala sa tatlong buwan ang requirement na magkaroon ng non-professional license bago makakuha ng professional driver’s license.

Ang mga mahihirap na PUV driver ay bibigyan din ng prayoridad sa mga accredited driving schools na walang bayad.

Ang mga lalabag sa panukala ay pagmumultahin ng P5,000 hanggang P20,000, ayon sa panukala. (Billy Begas)

See Related Story Here:

Medical exams para sa driver’s license, pinako sa P300

TELETABLOID

Follow Abante News on