WebClick Tracer

Pagpapalawig ng estate tax amnesty pinasesertipikahan sa Palasyo

Upang mabilis na maipasa, pinasesertipikahan sa Malacañang ang panukala na palawigin ng dalawang taon ang estate tax amnesty na magtatapos sa Hunyo 14, 2023.

Ayon kay House Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph Recto, nakabinbin House Bill 7409 na akda ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez at maaari itong mabilis na maipasa kung sesertipikahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“This great bill by the Speaker represents the will of the grassroots as canvassed by their district representatives. PBBM should certify it for urgent passage,” sabi ni Recto.

Ang sesyon ng Kongreso ay muling magbubukas sa Mayo 8 at tatagal hanggang Hunyo 2. Matapos ito ay muling magbubukas ang sesyon sa Hulyo 24, ang kaparehong araw ng ikalawang State of the Nation Address ni Marcos.

Sinabi ni Recto na nakaapekto rin ang COVID-19 pandemic kung kaya mayroong mga hindi nakapagbayad nang ipatupad ang estate tax amnesty.

“Halimbawa, marami sa ating mga kababayan na nasa ibang bansa na nais sanang ayusin ang namana nilang ari-arian ang hindi makauwi dahil sa matagal at mahigpit na lockdown,” paliwanag ni Recto.

Sinabi ng mambabatas na “mahirap na nga ang proseso, mahaba pa ang requirements, maraming pirma ang kailangan sa hatian ng mga minanang ari-arian.”

Nang ipatupad ang amnestiya noong 2019, ang inaasahan umanong kita ay P6 bilyon hanggang P8 bilyon pero hanggang noong 2021 ay P5.5 bilyon lamang ang na nakolekta rito.

Bukod sa dagdag kita, layunin ng batas na gawing produktibo ang mga nakatiwang-wang na lupang minana. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on