WebClick Tracer

Mga scammer na magpapalusot sa claims ng mga OFW sa Saudi Arabia hindi uubra – DMW

scam

Hindi magtatagumpay ang mga scammer na magpapanggap na claimants at kukubra sa back wages ng Overseas Filipino Workers sa Saudi Arabia.

Ito ang inihayag sa Laging Handa public briefing ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople matapos buksan ang pagproseso sa back wages ng mahigit 10,000 OFWs na hindi nabayaran ng kanilang employer sa Saudi Arabia.

Ayon kay Ople, mas mabuting huwag na mag-aksaya ng panahon ang mga scammer dahil hindi uubra ang mga ito sa mga gagawing pagsala sa mga claimant.

“Doon sa mga gustong magtangka, huwag na po kayong mag-aksaya ng panahon. Siguro ano na lang, kumbaga, respetuhin na lang ninyo iyong talagang may claims. Huwag na kayong maki-epal,” saad ni Ople.

Hindi aniya makakalusot sa Saudi Arabia ang mga scammer dahil may database sa bawat kumpanya at malalaman kung nagtrabaho ang mga ito o hindi sa kanilang kumpanya.

Sinabi ni Ople na maaaring makalusot man ang mga scammer sa DMW pero pagdating ng mga dokumento sa Saudi Arabia ay may mga dokumentong hihingin na tiyak na wala sa fake claimants.

Kung wala aniyang Iqama ang mga magpapanggap na claimant ay agad matutukoy ito kaya huwag na lamang mag-aksaya ng panahon dahil hindi magtatagumpay ang mga ito.

“Kung never naman sila tumuntong ng Saudi, never naman sila nagtrabaho sa any of the construction firms na na-bankrupt, malalaman iyan based sa database ng Saudi Arabia kasi bawat foreign worker ay may iqama number, which is unique to that worker,” dagdag ni Ople

Binigyang-diin ng kalihim na ang final validation sa pag-claim ng back wages ng mga OFW ay nasa Saudi Arabia kaya nakakatiyak siyang hindi uubra ang modus ng pekeng claimants. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on