Pinagaaralan ng gobyerno na umangkat ng bigas upang madagdagan ang buffer stock ng National Food Authority (NFA).
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos pulungin nitong Huwebes ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at NFA sa Malacañang.
Ayon sa Pangulo, tinalakay sa pulong ang mga paraan kung paano makontrol ang presyo ng bigas upang hindi masyadong tumaas ito.
“Mukha namang maganda naman ang sitwasyon natin hindi tayo magkukulang sa bigas at tinitingnan natin lahat ng paraan upang ang presyo ay makontrol natin at hindi naman masyadong tataas,” saad ng Pangulo.
Masyado lang aniyang mababa ang buffer stock ng NFA kaya kailangan bumili ng bigas para umabot ng siyam na araw na buffer stock.
Ang balakid ayon sa Pangulo ay ang mandato sa NFA na dapat local produce ang bibilhin ng NFA kaya ito ang hinahanapan nila ng paraan.
“Nagpaplano kami kung kailangang mag-import, kung kailangan magparami ng buffer stock sa NFA kasi masyado ng mababa. Kailangan bumili yung NFA para umabot siya ng at least 9 days na buffer stock. So yun ang pinaplano natin ngayon kung papaano nila gagawin,” dagdag ng Pangulo.
Ipinaliwanag ng Presidente na kailangan ay unti-unti at hindi malaki at biglaan ang pagbili upang mabalanse ang presyo ng bigas sa merkado dahil kapag namili ang NFA para palitan ang buffer stock ay tataas ang presyo ng bigas.
Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na dapat makabili ang gobyerno ng bigas bago dumating ang panahon ng tag-ulan kaya sinisikap na makabili na ang NFA ng bigas sa ngayon para masigurong sapat ang buffer stock nito.
“Kailangan by wet season makakabili na sila. Yung dry season hindi gaano. Kayat kailangan nilang sabayan doon pa rin sa production. That’s why we are trying to make sure that the NFA is able to build -up its buffer stock for now,” wika ng Pangulo.
Sa pangkalahatan, sinabi ng Presidente na maayos ang sitwasyon ng bansa at nakakabangon na ang sektor ng agrikultura matapos ang pinagdaanang mga pagsubok noong panahon ng pandemya.
“In terms of the general supply for the country, I think we are in good shape and I told them, although we still have to import our importations have come down. Our agricultural sector is beginning to come back na beyond the pandemic levels and so that’s progressing nicely,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping)