WebClick Tracer

Trust fund sa Water Department itinulak ni Rep. Duterte

Itinulak ni Davao City Rep. Paolo Duterte ang paglikha ng trust fund sa panukalang pagtatayo ng Department of Water Resources (DWR) upang mapondohan ang mga kinakailangang water sustainability project.

Nakasaad ang panukalang Water Trust Fund (WTF) sa House Bill 3727 na akda ni Duterte at Benguet Rep. Eric Yap.

Sa ilalim ang panukala, ang mga non-tax revenue mula sa pamamahala sa suplay ng tubig gaya ng bayad sa raw water pricing, permit, registration, supervision and regulation enforcement, processing, testing, at iba pang service income ay iipunin sa WTF.

Ang WTF ay hindi isasama sa kita ng gobyerno at otomatikong ilalaan sa mga proyekto ng DWR, ayon sa panukala.

Nakasaad din sa panukala na 10% ng kabuuang kita mula sa raw water extraction ay ibibigay sa lokal na pamahalaan o indigenous peoples community na nakakasakop sa lugar kung saan kinuha ang raw water.

“There are various government agencies battling this recurring water and sanitation [crises], and there is a need now more than ever to consolidate efforts to avoid duplication of functions, improve public service delivery, and prudently manage limited government resources to address this pressing concern,” sabi ng mga mambabatas sa panukala.

Batay sa pag-aaral ng global nonprofit organization na water.org, sinabi ng mga may-akda na mahigit 3 milyong katao sa bansa ang umaasa sa hindi ligtas na pinagkukuhanan ng tubig samantalang nasa 7 milyon ang walang maayos na palikuran.

(Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on