WebClick Tracer

Rep. Duterte humirit ng TESDA office sa Davao City

Upang maserbisyuhan ang mga residente ng Davao City, naghain ng panukala si Rep. Paolo Duterte upang magtayo ng opisina sa siyudad ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Binigyan-diin ni Duterte ang kahalagahan na mabigyan ng pagsasanay ang mga taga-siyudad upang magkaroon ng oportunidad ang mga ito na magkaroon ng magandang trabaho.

Sa House Bill 1756, sinabi ni Duterte na ang kanyang siyudad ay mayroong 1.78 milyong residente na nasa 182 barangay.

Ang Davao City ay sineserbisyuhan ng TESDA Provincial Office na siya ring may hawak sa buong Davao del Sur.

Ayon kay Duterte ang Davao City ay mayroong 113 rehistradong private technical vocational institution, tatlong public TESDA training institution, at 33 accredited assessment center.

Nauna rito, inanunsyo ni Duterte na tumatanggap ang kanyang congressional office ng aplikasyon para sa mga nais na kumuha ng kurso sa ilalim ng TESDA Training for Work Scholarship Program (TWSP).

Ang programa ay bahagi ng Technical Vocational Education and Training (TVET) na inilunsad ng gobyerno upang tumaas ang tsansa na makapagtrabaho ang mga kulang sa pag-aaral. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on