Dapat umanong bigyan ng prayoridad ng gobyerno ang pagbili ng bakuna laban sa African Swine Fever (ASF).
Ito ang nakasaad sa House Resolution 772 na inihain ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte upang matugunan ang kakapusan ng suplay ng karne ng baboy sa bansa.
Ayon kay Villafuerte malaki ang maitutulong ng bakuna sa pagpaparami ng produksyon ng baboy sa bansa na magreresulta sa pagbaba ng presyo nito.
“There is a need for a more aggressive response to ASF such as the procurement and implementation of vaccines that have been developed for safe and effective use in Vietnam and is being studied in other countries,” sabi sa resolusyon.
Binigyan-diin ni Villafuerte ang kahalagahan ng karne ng baboy sa bansa na makikita umano sa mga lokal na putahe gaya ng sisig, lechon, crispy pata, liempo at marami pang iba.
Tinatayang ang Pilipinas ang ika-10 pinakamalaking konsumer ng baboy sa mundo, pang-walo sa pinakamalaking producer nito, at ikapito sa mga importer nito, ayon kay Villafuerte. (Billy Begas)