Nagdulot ng matinding trapiko ang pagsalpok ng isang bus ng Victory Liner sa tatlong sasakyan sa national highway ng Barangay Barretto sa Olongapo City nitong Biyernes ng umaga.
Ayon sa ulat, humigit-kumulang na dalawang oras tumagal ang trapiko sa nasabing lugar dahil sa aksidente.
Batay sa mga nakasaksi sa insidente, mabilis umano ang takbo ng bus at nag-overtake sa sasakyang Toyota Avanza kaya nasakop nito ang kabilang linya na patungong norte.
Dahil dito, sumalpok ang bus sa Toyota Avanza at kasalubong na pampasaherong jeep gayundin sa isang L300 kaninang alas-11 ng umaga.
Sugatan ang may 24 katao, isa sa mga ito ang kritikal ang lagay sa James Gordon Memorial Hospital.
Nasa kostudiya naman ng kapulisan ang bus driver habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.
Samantala, nangako ang pamunuan ng Victory Liner na sasagutin nila ang lahat ng gastusin sa nangyari. (IS)