Nakiisa na rin si Senadora Imee Marcos sa pagbatikos sa International Criminal Court (ICC) na tinawag niyang “caricature of international justice.”
Ayon kay Marcos, hindi naman hinahabol ng ICC ang mga Western nation at tanging target lang ay ang mga ‘less developed country’ tulad ng Pilipinas.
Iniimbestigahan ng ICC ang crimes against humanity sa ilalim ng liderato ng dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa giyera sa droga.
“Ang matagal nang kabiguan ng ICC na imbestigahan ang mga Kanluraning bansa sa hindi na mabilang na krimen laban sa sangkatauhan ay ginagawang katatawanan ang pandaigdigang hukuman,” sabi ni Marcos, sa isang statement.
Aniya, isa umanong nakasisilaw na halimbawa ng kabiguang ng ICC ay may kinalaman sa digmaan sa Iraq noong 2003 na itinulak ng mga makapangyarihang Kanluraning bansa, base sa haka-haka lamang ukol sa weapons of mass destruction at sa tahasang paglabag sa mga resolusyon ng United Nations.
“Mahigit sa milyong mga sibilyan at sundalong Iraqi ang napatay at nawalan ng tirahan dahil sa nasabing nakakakilabot na digmaan. Ano yan, may pinipiling hustisya?” ani Marcos.
Ngayong Marso ang ika-20 taon ng kabiguan ng ICC, sinabi ni Marcos na bigo ang international body na papanagutin ang mga responsable sa krimen.
“Ang gasgas nang linya ng mga Kanluraning bansa hinggil sa pagpapa-iral sa isang “international rules-based order” ay pakunwari lang o malaking kalokohan,” ayon sa senador.
“Mas madali para sa ICC na pag-tripan ang mga bansa sa Africa, at ngayon ang Pilipinas. Paulit-ulit ang pamperyang pag-habla sa mga lider ng di gaanong maunlad na mga bansa para ilihis ang pansin ng mundo sa mga krimen ng Kanluran. Layunin nito ang isulong ang gawa-gawang imahe na ang Kanluran ang walang dudang tagapagtanggol ng human rights,” saad pa ng mambabatas.
“Kung hindi pa ninyo napapansin, ang mga isyu sa human rights ay ginagamit na pambabraso ng makapangyarihang Kanluran para sa kanilang mala-kolonyal na interes sa pulitika, ekonomiya, at military,” saad pa niya.
Dagdag pa ni Marcos, siyam sa 10 bansang ASEAN ang walang tiwala sa ICC at pinigil o binawi na ang kanilang pagiging miyembro sa nasabing korte. (Dindo Matining)